Taong 1995, unang inilunsad ng Ugnayan ng Pahinungod-UP Manila ang Summer Immersion Program. Katatapos lang ng unang taon ko sa medisina noon at nagkayayaan kaming magkakaklase. Siyempre, sino ba naman ang hindi makakatanggi sa pagkakataon na makipamuhay, makibahagi sa kanayunan? At siyempre, laking bonus dahil sa Puerto Princesa ang isa sa mga site noon kaya madali akong napayagan. Malaking bagay talaga ito sa akin dahil ewan ko ba, hindi talaga ako pinapayagan sumama kung saan-saan noon - field trip sa Geo 11 sa Taal? wag na, baka sumabog ang bulkan; field trip ng PI 100 sa Banahaw? wala ka naman matututunan doon eh, wag ka na sumama. So ayun, abot hanggang langit na saya ang naranasan ko nang payagan ako.
Nakatakda kaming i-deploy sa Puerto Princesa pero last minute na napalitan at na-assign kami sa Quezon, Palawan. Kung maaalala nyo, 1995 ito at di pa uso ang cellphones. Eh di lalo na sa doon dahil kuryente nga di pa uso sa ilang barrio nung mga panahon na iyon. Anyway at anyhow, dahil ang buong angkan ng nanay ko ay taga-Palawan, ako lang ang bukod-tanging nasalubong ng pinsan sa Pier at napuntahan sa venue ng orientation seminar ng mga kamag-anakan. Parang hihimatayin ako sa hiya, sa totoo lang. Siyempre, pinayagan ako dahil matutunton nila ako kahit saang lugar pa ako itapon sa Palawan itapon. Paano ko naman nasabi yun? Ganito kasi ang mga pangyayari sa buhay ko noon...
Dahil last-minute na pinalitan ang area of assignment namin, di namin alam kung saang barrio kami mapupunta at kung saan kami makikituloy. Ang biyahe papuntang Quezon, halos 5 oras sa malubak at maalikabok na kalye. Nung panahon na ito, di pa uso ang landline pero may opisina ang Philtel sa bayan ng Quezon kung saan maaring maglong-distance sa Maynila at Puerto Princesa. So yun ang ginawa naming lahat. Bukod dito, sumulat pa ako sa Lolo at Lola ko (na nakatira sa Puerto Princesa) para ipaalam kung saan ako mapupunta.
Inassign kami sa Quinlogan - na halos 2 - 3 oras pa ang biyahe mula sa bayan. Walang kuryente, walang running water, malaria country. Naparami kong natutunan sa pamamalagi ko ng ilang linggo dito. Kung baga, walang sinabi ang 2 buwan sa IM rotation o 1 buwan sa ER rotation - ito ang tunay na buhay ng mga ating mga kababayan, at syempre mas naging makabuluhan sa akin dahil naranasan ko ang buhay ng aking mga ka-probinsya na piniling paglingkuran ng Lolo ko sa matagal na panahon.
So balik ako sa kuwento ko, siguro mga ilang linggo na kami sa Quinlogan nang mabulabog ang tahimik na bahay na tinitirhan namin. At bakit naman nabulabog? Dahil pagsilip namin sa bintana, nandoon ang pulang Tamaraw ng Lolo ko, sakay ang nanay, kapatid at pinsan ko. Oo, ako ang bukod-tanging volunteer na itinapon kung saan at natutunon pa ng nanay. Paano naman ako nahanap doon? Di uso ang address dito - walang numero ang bahay at walang pangalan ang kalye. Ganito pala ang nangyari. Nang malaman ng Lolo ko na maaassign kami sa Quinlogan, pinahanap ako sa hepe ng pulisya ng Quezon. Nabalitaan ng hepe na nag-courtesy call kami sa Mayor ng Quezon, naipagtanong nya kung saang jeep kami sumakay. Nabalitaan sa kunduktor ng jeep kung saang bahay kami tumuloy at ayun, ibinalita lahat sa Lolo ko, na sinabi sa nanay ko, na sinabi sa tatay ko. At ang tatay ko naman, pinapuntahan ako sa nanay ko, sumama naman ang kapatid ko. Hindi naman ako na-pull out, hindi naman umeksena ang nanay ko o ang lolo ko. Naging isang masayang pagkikita ang nangyari at natapos ko rin ang Summer Immersion Program. Nagkaroon ako ng pagkakataon na bumalik ng Quezon nung isang taon at nalaman ko na hanggang ngayon, wala pa ring kuryente sa Quinlogan. Siguro sa taong ito, hahanap ako ng pagkakataon na bumisita doon ulit.
Nakakatuwang balikan. Nakakatuwang isipin. Halos 13 taon na ang nakalipas. Si lolo nauna nang namaalam. Ang team mates ko na si Match at si Christian, nagkatuluyan at mga internist na sa Amerika. Si Ryan ay isang ob-gyne na, si Kahlil isang radiologist sa CDO, si Anton katulad kong FM, si Marion isang internist sa Amerika at si Corrie isang ENT specialist. At si Father Jo, malapit nang i-ordain finally.
Nagkahiwa-hiwalay man kami ng landas, palagay ko dadalhin naming lahat ang karanasan na ito at patuloy na isinasabuhay ang isang panata na sinulat namin 13 taon na ang nakalipas.
"Dala ng pagpapahalaga namin sa aming edukasyon ng Unibersidad ng Pilipinas,
at sa aming pagiging mga Pilipino at tao,
At dala ng kamulatan namin ang kayamanan ng bawat buhay.
Ipinangangako namin:
Na tatanggapin namin ang hamon na iniharap sa amin, hindi lamang ng Unibersidad,
ngunit pati ng sambayanan;
Na ibibigay ang aming mga sarili upang paglingkuran ang bayan;
Na sisikapin sa lahat ng pagkakataon, na maging makaturangan sa sarili't kapwa;
Na mamumuhay nang payak at mapagkumbaba sa puso't diwa.
Wala na kaming hihingin pa
Kungdi ang makapagdala ng kahit kaunting pagbabago tungo sa kabutihan sa mga buhay ng iba,
At makapagdagdag ng kabuluhan sa aming sariling mga buhay."
Mula sa Volunteerism in Action: Mga Kuwentong Pahinungod
Mga Panata: Grupong Quezon, Palawan 1995
Mga Panata: Grupong Quezon, Palawan 1995


